Welcome home

Ang sabi nila kapag daw nagbalik ka sa itinuturing mong tahanan pagkatapos ng napakahabang pagkawalay mula rito, malamang sa hindi, matatanto mong wala rin naman ‘tong ipinagbago.

Ang itsura, oo maaaring medyo may ipinagkaiba. Nawala na ang lumang tukador sa may kanto papuntang kusina. May bagong mesa na rin sa may sala. Bago na rin ang pintura, kulay pink. Pero ang amoy — kahit na matagal nang nawala ang babuyan ng lola mo sa may likod-bahay — ganun pa rin naman.

Paghakbang mo pa lang papasok sa may pintuan, nagbabalik lahat ng masasaya pati di gaanong masasayang alaala. Mangingiti ka na lang, yung ngiting tagos sa puso. At ma-re-realize mo wala naman talagang nagbago, ganun pa rin naman ang lahat, maliban sa’yo.

Sigurado ako, ang mga lugar sa labas ng tahanan mo ang siyang nagpabago sa’yo. Hanggang saan ka na ba kasi nakarating? Malayu-layo na rin siguro noh? Nakarating ka na ba sa mga lugar na pinangarap mo lang marating noon? Naranasan mo na ba yung mga bagay na noon ay nasa imahinasyon mo lang,┬ánoong nasa kalinga ka pa ng ‘yong tahanan?

Di magtatagal aalis ka na naman, ipagpapatuloy muli ang paglalakbay. Paglalakbay para mahanap ang kapalaran, ang pag-asenso sa buhay, ang ‘yong kasiyahan.

Masaya ang maglakbay, ang pagyakap sa mga pangarap mo. Nguni’t tila wala nang mas sasaya pa sa yakap ng sarili mong tahanan. Dahil kung hindi, bakit ngayon ay gusto mo nang umuwi?

 

(Ang larawang ginamit ay mula rito.)

Nai-post sa Uncategorized | Tagged | Mag-iwan ng puna

Let the sunshine in

Madilim na naman ang langit. Mukhang malakas ang ibabagsak na ulan. Kung nagkataong may mga sinampay kami ngayon, tiyak paranoid na naman si Mama. Siguradong magmamadali ‘yun sa pagsamsam at pati kami ay idadamay. Ang nangyayari tuloy nahuhulog ang iba at nadudumihan. Ako, bilang siyang naglaba, ay sasabihan siyang mag-relaks lang at “imbes na ang problema na lang eh magpatuyo eh kailangan pa tuloy ulitin ang paglalaba.”

Sa mga ganitong pagkakataon na mahirap magpatuyo ng nilabhan (dahil hindi mo pwedeng iasa lahat sa spin dryer), naaalala ko yung ginagawa namin noong mga bata pa kami ng mga kapatid ko at nakatira sa probinsiya. Kapag may mga sinampay at nagbabadya ang ulan, magdo-drawing kami ng pagkalaki-laking araw sa lupa gamit ang pantukod sa sampayan. Iba-iba ang style namin. Pero ako, isa lang ‘yan: marami at malalaking rays, mapupungay na mga mata, ngiting abot sa invisible na mga tenga, at kapirangot na ilong. Ang nakakatuwa, madalas epektib ang obrang ‘to — mahahawi ang mga maiitim na ulap at sisilay ang Haring Araw. Ang mga sinampay tuyo ilang oras lang.

Kung saan kami nakatira ngayon, imposibleng gawin ‘to. Unang-una wala namang lupa na pwedeng gawing canvas. Wala ring pantukod na pwedeng gawing pang-drawing. At isa pa, parang mahihirapan yatang mag-Hi man lang ang araw dahil sa mga nagtataasang bahay at pader sa palibot namin.

Nakukuntento na lang tuloy si Mama sa pagpito at pagtawag sa hangin. Na hindi ko magawa dahil hindi naman ako marunong.

Hindi na rin siguro mahalaga kung paano. Basta dapat laging naandun ang pag-asa. Pag-asa na sisikat din nang lubos ang araw at makapagsasamsam din kami ng mga tuyong sinampay. Sana lang amoy fabric conditioner pa rin sila.

Nai-post sa Uncategorized | Tagged , | Mag-iwan ng puna

Bagong blog. Lumang ako.

Image

Naramdaman mo na rin ba ‘to, yung tipong gusto mong magsulat pero di mo magawa? Maumpisahan mo man pero di mo matapus-tapos? Kahit ano lang, blog post, isang maikling tula, o kaya naman eh isang madamdaming birthday greeting para sa isang kaibigan. Madali lang sa’yo yun dati. No sweat, ika nga. Pero anong nangyari?! Writer’s block? Sige, pwede rin namang yun ang sisihin mo. Pero kung iisipin, kaya mo ngang magsulat tungkol sa di mo pagkakaroon ng drive magsulat eh. Tulad na lang ng ginagawa ko ngayon.

Ilang linggo na rin kasing wala akong post sa blog ko. Yung blog ko sa Ingles, I mean. Wala namang naka-save sa Drafts (hay salamat!). Pero marami-rami na rin sana ang gusto kong mai-post. Meron pa ngang isa na halos dalawang buwan na atang hinihintay ang second part niya. Di ko pa kasi madugtungan. Nakakahiya tuloy sa nag-iisang follower ng blog na ‘yon.

Mahirap. Nakakasakit na ng ego. At masakit na rin sa ulo. Para bang hindi mo kayang kumonek sa sinusulat mo. Para kang nagdo-drawing habang kamay ng iba ang gamit mo; di mo maramdaman. Yung mga salitang nagsisimula nang lumabas sa isip mo, bago mo pa man mailagay sa papel o mai-type sa keyboard ng computer mo, ayun bigla na lang tatakbo pabalik sa pinakalikod ng utak mo. Nagmamadali. Busy daw pala sila.

Busy pa rin naman sila ngayon. Ang maganda nga lang, yung ilang nasa Baul Ng Mga Salitang Tagalog ko napalingon sa akin at naawa. Heto na nga at dahil sa kanila matatapos na ang isang ‘to — ang kauna-unahang entry sa nawa’y magtagal na blog kong ‘to sa Tagalog.

Naisip ko tuloy, totoo nga na kapag nagigipit ka, babalik at babalik ka kung saan ka unang tinanggap.

Nai-post sa Uncategorized | Tagged | Mag-iwan ng puna