THE BIG Celebration of life

May malubhang sakit si Mama. Marso 2012 nang malaman namin nang hindi sinasadya dahil wala naman siyang iniinda. Kung tawagin ang sakit niya: Non Small Cell Lung Carcinoma, Adenocarcinoma o ayon nga sa una niyang doktor na isang pulmonologist ay Bronchial Carcinoma o BCA. Oo, kahit na never-smoker ang Mama ko, sa edad na 46, nagka-kanser siya sa baga.

Ang pagpapa-check up niya lang sana sa OB-GYNE para ipatingin kung talaga bang menopause na siya, nauwi sa pagkakatuklas ng tubig niya sa baga. Dahil na rin sa insured siya kaya minabuti ng doktor na isailalim na rin siya sa abdominal ultrasound para raw makasiguro. Okay naman ang resulta. Pero hindi ko malilimutan ang tanong ng radiologist kay Mama nang araw na ‘yon: “Inuubo po ba kayo?” Sabi niya kasi may nahagip daw siya sa may kanang baga ni Mama, na siya namang napatunayan ng x-ray niya, at sa maniwala ka man o hindi ay siya ring kauna-unahang x-ray ng nanay ko.

Ang akala noong una, may pneumonia lang si Mama. Base sa chest ultrasound, may 150 cc na tubig sa kanang baga niya, na delikado umanong alisin ayon sa doktor dahil masyadong kaunti. Maaari raw kasing masundot ang baga at pumutok ito. May mga gamot siyang ininom sa loob ng isang linggo pero di nito nabawasan ang tubig. Ang say ng doktor: magpa-chest CT scan na si Mama para malaman ang sanhi ng tubig.

Makalipas ang ilang araw, bumalik kami dala ang resulta ng chest CT scan. Nilinaw ng doktor na ang sanhi ng tubig sa baga ni Mama ay isang bukol – bukol sa may itaas ng ibabang bahagi ng kanang baga niya. Medyo may kalakihan na ito, 2.7×3.0 cm ang sukat.

Nagkaroon ng alinlangan ang doktor na ideklarang TB lang ang sakit ni Mama, kahit na noong una ay nag-positibo siya sa skin test. Sayang daw ang panahon at pera kung hindi pala TB lang ang dapat na gamutin. Yung bukol daw maaaring granuloma (peklat ng TB) o yung tinatawag nilang newgrowth (pinagandang tawag sa tumor). Pero upang makasiguro muli ay pinayuhan niya si Mama na magpa-ct-guided biopsy. Dito ay kukunan ng isang interventional radiologist ng kaunting laman ang bukol at saka nila ito pag-aaralan. Di man sang-ayon ang mga kapatid ni Mama dahil sa takot nilang baka raw “magalit” ang bukol, napagdesisyunan naming ituloy iyon para na rin sa kapakanan ng lahat.

Kahit na anong dasal namin na sana ay granuloma lang, pero may iba yata Siyang plano kaya “ipinaalam” Niya sa aming cancerous ang bukol na ‘yon. Holy Week nang makumpirma naming nasa Stage 4 na pala ang kanser ni Mama, at ang maliliit na bukol sa kaliwang baga niya ay indikasyon na ng pagkalat nito.

Bilang isang anak, napakahirap tanggapin ng nangyari. Ang mga kwentong naririnig mo lang mula sa ibang tao at napapanood sa TV o pelikula, isang araw mangyayari rin pala sa iyo. Noong una, walang araw na hindi ako umiiyak nang palihim. Pangamba at takot ang baon ko sa pagtulog, at sa paggising naman ay bigat sa dibdib ang kapalit. Pero sa kabila ng lahat, hindi kami nagtanong sa Kanya. Kailangan lang talaga sigurong mangyari ng mga bagay bagay, sa ayaw man natin o gusto, handa man tayo o hindi.

Umpisa pa lang ng laban na ‘to, alam kong hindi kami dapat sumuko. Na gaano man kahaba at kahirap ang tatahakin naming daan, kailangan naming maging matatag para sa isa’t isa, higit lalo para kay Mama. Nagpapasalamat pa rin ako at napakabuti Niya. Ang tore ng kalakasan ng buhay ko ay pinapanatili pa rin Niyang nakatayo nang matayog at higit na matibay… si Mama.

i-hope-cancer-is-zodiac-sign

Ang sabi sa isang librong nabasa ko, lahat daw tayo ay may cancer cells sa katawan, subalit hindi lahat sa atin ay magkakaroon ng cancer. Mahirap man ipaliwanag, pero isa ang ideyang ito sa nakapagpapaunawa sa akin sa sitwasyon ni Mama. Sadya lang talaga sigurong hindi kinaya ng immune system niya kaya siya nagkaroon ng ganoong sakit. Masakit mang isipin, pero maaaring dahilan din ang genetics. Nagka-kanser din kasi ang tatay ni Mama. At iniwan niya kami may higit isang dekada na ang nakakaraan.

Alam kong hindi naging madali kay Mama ang pagtanggap. Minsan nadulas siya at nasabing pumunta siya sa libingan ni Lolo para sabihin dito ang sakit niya at magtanong kung bakit “ipinamana” pa niya ‘to. Pero naging matapang si Mama sa pagharap sa kondisyon niya. At ni minsan di ko siya nabakasan ng takot o ni nakita man lang na umiiyak. Ang kabilin-bilinan niya pa nga sa amin ay huwag na huwag naming ipapakita sa kanyang umiiyak kami. Naisip ko, bilang isang ina, ang pinakaayaw niya ay yung makita kaming mga anak niya na nahihirapan.

Dahil din siguro sa tapang niyang ‘yon kaya hindi sumang-ayon si Mama na sumailalim sa chemotherapy noong una. At kahit na nga inalok pa siya ng una niyang doktor ng libreng treatment kapalit ang pagpayag na maging bahagi ng isang pag-aaral tungkol sa paggamot ng kanser, hindi siya natinag. Sa halip, mas pinili niya ang alternative medicine. At iginalang namin ang desisyon niyang ‘yon.

Nagkataong magtatapos sa college ang bunso kong kapatid nang ma-diagnose ang sakit ni Mama. Minsan, bago pa man simulan ni Mama ang pag-inom niya ng herbal cancer meds, nasabi niyang ayaw niya ng chemo dahil ayaw niyang makalbo. Gusto pa raw niyang maka-attend ng graduation ni Bebe at makita sa pictures na may buhok siya.

Hunyo nang ipinayo ng doktor ni Mama na itigil na niya ang pag-inom ng herbal meds. Ito ay matapos siyang magreklamo ng pagkahilo at paminsan-minsan ay tila pagpompyang daw sa magkabilang tenga niya. Agosto nang makaramdam siya ng sobrang pagkahilo at pagsusuka. Na-confine siya nang may isang linggo sa ospital, at dito nga’y nalaman naming namaga na ang utak niya dahil sa may brain mets na rin siya.

Lumapit kami – sa ikalawang pagkakataon – sa isang oncologist para manghingi ng second opinion. Kailangan daw sumailalim ni Mama sa whole brain radiation therapy upang ma-stabilize ang mga bukol sa utak niya. At pagkatapos nito ay kailangang isunod ang chemo para naman agapan ang pagdami ng tubig sa baga niya.

Binigyan namin ng panahon si Mama para mag-isip. Bilang siya ang may katawan, alam niya kung ano’ng makakabuti sa kanya, at kailangan naming irespeto anuman ang maging desisyon niya.

Hindi ko matitiyak kung ano ang dahilan ni Mama, pero kalaunan nga ay pumayag na siyang sumailalim sa conventional treatments. Setyembre nang magpa-radiation therapy si Mama sa Lung Center of the Philippines. Pero isang araw bago niya matapos ang required na sampung sessions, itinakbo ulit namin siya sa ospital dahil ulit sa edema sa kanyang utak. Dahil din sa treatment kaya nagsilagasan ang buhok ni Mama.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s