It’s my turn

ImageNoong bata ako, merong isang bagay na tunay kong kinabiliban sa mga matatanda: ang kakayahan nilang magpaypay kahit na mukha na silang mahimbing na natutulog.

Akala ko noon, may ganung “superpowers” sila, na kapag may katabi silang bata sa pagtulog at ito’y naiinitan, to the rescue sila agad at automatic na papaypayan ang di-makatulog-sa-init na katabing paslit. Ito ay kahit na may katagalan na rin silang naghihilik at malalim na ang tulog.

Ang lola ko kasi noon ay ganito. Bilang siyang panganay sa amin, ako ang nakatokang tumabi sa kanya sa pagtulog kapag wala siyang kasama sa kuwarto. Manghang-mangha ako noon, sa pagkakaalala ko. Sa kaunting kibot ko, kikilos siya mamaya-maya at ako’y papaypayan. Ako naman ay titingala at pilit aaninagin kung gising ba siya o hindi. At madalas nga, nakapikit siya. Panandalian akong magtataka, magkikibit balikat at iisipin na lang na ganun talaga ang matatanda, saka komportableng babalik sa pagtulog dahil pakiramdam ko’y hindi na mainit.

Paglipas ng maraming taon, napagtanto kong hindi pala basta basta ang gawaing ganun ng isang taong “matanda.” Na maging hanggang sa pagtulog ay kailangan mo pa ring alalahanin ang kapakanan ng iba, iba na mas bata – o mas mahina – na nangangailangan ng ‘yong lakas. Nagiging mas fulfilling nga lang dahil mga taong pinahahalagahan mo ang ‘yong napaglilingkuran.

Tunay namang sa pagdagdag ng mga taon sa edad natin ay higit pa sa pagiging “superhero” sa pagtulog ang kakaharapin natin. Dumarating din kasi ang panahong ang dating sa ati’y walang sawang nagpapaypay ang siya namang kailangan nating paypayan. Ang kainaman nga lang, kasabay ng pagdami ng ating responsibilidad sa buhay ay nadadagdagan din naman ang kakayahan nating pasanin ang mga ito.

Naisip ko tuloy, kaya naman pala ang mga taong umabot sa “pagtanda” ay yaong mga nagtiwala, hindi napagod, at higit sa lahat ay hindi nangawit sa pagpaypay para sa isang makabuluhang paglalakbay. At siyempre ang lahat ng ito ay nagsisimula… sa pagkakaroon ng isang masarap na pagtulog.

This entry was posted in Uncategorized and tagged , , . Bookmark the permalink.

Mag-iwan ng puna