It’s my turn

ImageNoong bata ako, merong isang bagay na tunay kong kinabiliban sa mga matatanda: ang kakayahan nilang magpaypay kahit na mukha na silang mahimbing na natutulog.

Akala ko noon, may ganung “superpowers” sila, na kapag may katabi silang bata sa pagtulog at ito’y naiinitan, to the rescue sila agad at automatic na papaypayan ang di-makatulog-sa-init na katabing paslit. Ito ay kahit na may katagalan na rin silang naghihilik at malalim na ang tulog.

Ang lola ko kasi noon ay ganito. Bilang siyang panganay sa amin, ako ang nakatokang tumabi sa kanya sa pagtulog kapag wala siyang kasama sa kuwarto. Manghang-mangha ako noon, sa pagkakaalala ko. Sa kaunting kibot ko, kikilos siya mamaya-maya at ako’y papaypayan. Ako naman ay titingala at pilit aaninagin kung gising ba siya o hindi. At madalas nga, nakapikit siya. Panandalian akong magtataka, magkikibit balikat at iisipin na lang na ganun talaga ang matatanda, saka komportableng babalik sa pagtulog dahil pakiramdam ko’y hindi na mainit.

Paglipas ng maraming taon, napagtanto kong hindi pala basta basta ang gawaing ganun ng isang taong “matanda.” Na maging hanggang sa pagtulog ay kailangan mo pa ring alalahanin ang kapakanan ng iba, iba na mas bata – o mas mahina – na nangangailangan ng ‘yong lakas. Nagiging mas fulfilling nga lang dahil mga taong pinahahalagahan mo ang ‘yong napaglilingkuran.

Tunay namang sa pagdagdag ng mga taon sa edad natin ay higit pa sa pagiging “superhero” sa pagtulog ang kakaharapin natin. Dumarating din kasi ang panahong ang dating sa ati’y walang sawang nagpapaypay ang siya namang kailangan nating paypayan. Ang kainaman nga lang, kasabay ng pagdami ng ating responsibilidad sa buhay ay nadadagdagan din naman ang kakayahan nating pasanin ang mga ito.

Naisip ko tuloy, kaya naman pala ang mga taong umabot sa “pagtanda” ay yaong mga nagtiwala, hindi napagod, at higit sa lahat ay hindi nangawit sa pagpaypay para sa isang makabuluhang paglalakbay. At siyempre ang lahat ng ito ay nagsisimula… sa pagkakaroon ng isang masarap na pagtulog.

Nai-post sa Uncategorized | Tagged , , | Mag-iwan ng puna

Ang kasunod ng hindi-ko-pa-pala-huling entry

Major major summer ngayon, pero bumabaha. Bumabaha ng pawis. Bumabaha ng reklamo na super init. At syempre kasabay din dyan ang nakakalunod sa taas na bill sa kuryente.

Karamihan may anti-pawis efforts, pero wala rin naman talaga sigurong makakaiwas. Ang iba, ayun at nakakahanap ng panandaliang ginhawa sa pag-si-swimming. Pero may reklamo pa rin: Yuck, may lumulutang na yellow submarine!!!

Oo, tag-init na. Huling dalaw ko kasi dito ay nung “taglamig” pa. Malamig nga ba nun? Nung December? Parang hindi ko na maalala. Parang ang tagal na.

Wala pa naman talaga akong maisip isulat. Pero ang sabi sa librong binabasa ko ngayon, pambukas daw ng subconscious ang pagsusulat pagkagising na pagkagising, wala pang hilamos at amoy-umaga ka pa. Wala munang edit edit. Ang nababasa mo ngayon ay ako, nananaginip pa nga yata.

Sa gitna ng tag-init, pakiramdam ko frozen ang lahat, nakahinto’t nakaabang sa sikat ng araw. Hindi naman pwedeng magreklamo. Mali ang sabihing giniginaw ako habang naiinitan ang iba. Ang natitiyak ko lang, ang pagkatunaw ng yelo ay malapit na. Siguro nga ay babaha pa.

Image

Nai-post sa Uncategorized | Tagged | Mag-iwan ng puna

Ito na ba ang huli kong entry?

“Kelan nga yung end of the world? Bukas ba ‘yon?” bigla kong naitanong sa kapatid ko kahapon. “Hindi. Sa isang araw pa,” ang seryoso niyang sagot. Ilang segundo ang lumipas, humagalpak kami ng tawa. Parang pamagat lang kasi ng pelikula yung “end of the world,” at ang tinatanong ko sa kanya ay kung kelan ‘yon ipapalabas.

Nakakatawang isipin, sa edad kong ‘to, maraming beses ko na ring narinig ang tungkol sa petsa daw ng paggunaw ng mundo. At iba-ibang bersyon pa. Parang fairytales lang.

Noong pitong taon ako, kwento ng lolo ko sa tuhod, matatapos daw ang mundo sa taong 2000. Bubukas ang langit at bababa raw mula rito ang kanilang “master” sakay ng puting-puting kabayo na may pakpak. Seryoso akong nakikinig noon sa kanya, sa pagkakatanda ko, nakanganga at tinatanong ang sarili: “May pakpak nga kaya yung kabayo?”

Pero bago dumating ang 2000, sumikat muna yung Y2K Bug. Ang sabi, sabay-sabay raw na masisira lahat ng computers sa mundo; syempre apektado lahat ng bagay na pinapatakbo ng computer. Dito raw mag-uumpisang masira ang sistema na siyang pag-uugatan naman ng pagkakagulo ng mga tao.

Dumating ang taong 2000. Wala akong nakitang puting kabayong nagmula sa nakabukas na langit. At kahit na nga kasabay ng pag-abang ko sa pagpalit ng taon ang pag-iisip kung kinabukasan ba ay makakapanood pa ‘ko ng palabas sa TV, hindi naman dumating ang mapanirang surot na tinawag na Y2K.

Noong isang taon naman, nagkaroon pa ng rescheduling ang katapusan daw ng Earth. Naunang sinabi ni Harold Camping na May daw, at nang walang doomsday na naganap nung May sinabi niyang October 21 daw talaga.

At heto na nga, ang sikat na sikat ngayong end of the world base raw sa mga Mayans. Dahil sa December 21, 2012 ang huling araw sa kanilang sinaunang kalendaryo, hanggang sa petsang ito na lang din daw ang mundo. Mabuti naman. At least nakapag-24th birthday pa ang kapatid ko ngayong araw. Haberdey bro!

Haay, makapag-sopas nga muna.

Image

Nai-post sa Uncategorized | Tagged | Mag-iwan ng puna

Ano’ng childhood dream mo doon?

 

Noong bata ako, pinangarap kong magkaroon ng pencil case na may nakadikit na laruang piano sa takip. Madalas kapag bumibili kami ng gamit noon para sa eskwela, tatakbo ako diretso sa shelf ng mga pencil case, maghahanap ng napakagandang pencil case na inaasam-asam ko, at babalik kay Mama para sabihing bilhin niya ‘to. Pero dahil di naman yun swak sa budget, ang sagot niya sa akin: isang malutong na “hindi.”

Sa pagkakatanda ko, minsan nang mang-ungot ulit ako sa kanya, dumampot siya ng pink na latang pencil case at sinabing “ito na lang muna.” Sa maniwala ka man o hindi, ‘yun lang ang tangi kong naging pencil case noong nasa grade school ako, na umabot pa nga hanggang tumuntong ako ng ikatlong grado.

Oops, teka lang. Baka akalain mong ang kwentong ‘to ay iikot sa pencil case na kailanman ay di ako nagkaroon. Ang totoo, hindi naman talaga ‘yung pencil case ang inasam ko, kundi ‘yung maliit na pianong nakadikit dito.

Hindi ko alam kung paano nagsimula, pero sigurado akong mula pagkabata ay espesyal na sa pandinig ko ang tunog ng piano. Lagi akong sabik sa tuwing makakakita ako nito; nangangarap na sana kaya ko ring tumugtog ng piano nang mahusay, kahit ‘di nakatingin sa itim at puting keys, o kahit nakapikit pa.

Lumaki akong baon ang munting pangarap na ‘to. At ngayong may kakayahan na ako para tuparin ang hiling ng batang ako, sinimulan ko sa pagbili ng sarili kong keyboard, at sa pagtuturo sa sarili kung paano tumugtog.

Sabi nila, kailangan daw nating matupad kahit isa sa childhood dreams natin. Masaya ako, unti-unti ko nang natutupad ang sa akin. Ikaw ba, ano’ng childhood dream ang tinutupad mo ngayon?

Nai-post sa Uncategorized | Tagged , | Mag-iwan ng puna

Isang tula mula noong unang panahon

Ngayon lang ako nahulog,
at sa’yo ‘ko kumapit.
Pero nang tumagal
naramdaman ko ang sakit.

Ngayon, gusto ko nang bumitaw
pero takot ako.
Takot akong kumawala
at mawalan ng makakapitan.

Ang gusto ko sana hawakan mo rin ako,
sabihing higpitan nang di ako mahulog.

Nang lumakas ang ihip ng hangin,
sa tingin ko ang atensyon mo’y
sa iba nabaling.

Masakit na, hindi ko na kaya
bibitaw na ‘ko.
Sana lang sa aki’y may sumalo.

Nai-post sa Uncategorized | Tagged | Mag-iwan ng puna

No blogging, no entry

May mangilan-ngilang blogs na paborito kong bisitahin. Madalas pa nga kapag online ako, sa halip na sarili kong blog ang binibigyan ko ng atensyon, sa mga blog na ‘yon nauubos ang oras ko.

Masaya kapag nagkataong sa pagbisita ko ay may bagong post sila. Lalo na kapag interesting ang topic.

Minsan naman, kapansin-pansing isa o dalawang linggo – minsan pa nga ay buwan ang inaabot – nang hindi sila updated. “Malamang busy ang blogger,” nasasabi ko na lang sa sarili ko. O kaya naman ay may nangyaring di inaasahan at di na niya magawang mag-blog.

Ang hindi ko alam, mangyayari rin pala ‘yan sa akin at sa sarili kong blog. Totoo pala, maiintindihan mo lang talaga ang isang bagay kapag ikaw na mismo ang nakakaranas.

Gayunpaman, naisip ko, hindi pa naman siguro huli para makabawi… sa sarili ko.

Nai-post sa Uncategorized | Tagged , | Mag-iwan ng puna

Ako ay anak ng isang OFW

Apat na taon ako nang iwan kami ng tatay ko. Hindi, hindi siya sumakabilang-bahay o kung ano pa man. Umalis siya dahil sa paniniwalang mabibigyan niya kami ng magandang buhay. Na kailangan niyang mapalayo saglit para sa kinabukasan ng pamilya. Na kailangan niyang magsakripisyo sa dayuhang bayan para maitaguyod kami. Oo, nangibang-bansa siya. Kasi ang tatay ko, isang overseas Filipino worker.

Noong bata ako minsan akong napaniwala sa ideyang kapag nagtatrabaho ang magulang mo sa ibang bansa eh mayaman kayo. Sunod sa luho. Kapag gusto mo ng bag na de hatak o kaya naman eh yung may malaking orasang nakapagkit sa likod, pwedeng-pwede kang magkaroon. Kapag gusto mo ng Playstation o Barbie doll na original, madali kang maibibili. At kapag kailangan mo ng kahit ano, di mo kailangang mag-worry. Pero di pala sa lahat ng OFW family eh ganun. Meron din palang iba na todo higpit din sa sinturon, kahit na mukhang meron.

Sabi ni Mama, laborer ang job title ni Papa sa pinagtatrabahuhan niyang park sa Saudi. Di ko maintindihan masyado kung bakit sa mga form na kailangang fill out-an noon eh yun ang nilalagay namin at hindi OFW. Basta sabi niya, baka raw sabihing mayaman kami kapag nilagay namin sa Occupation ni Papa eh OFW. Eh hindi naman kami mayaman.

Wala ni isa sa aming tatlong magkakapatid ang nakatuntong sa private school. Lahat kami, ever since kindergarten, laking public school. Di kakayanin ng ipinapadalang pera ni Papa na ipasok kami sa private. Di na rin kami naghangad. Kasi ang sabi ni Mama wala rin naman daw ipinagkaiba. Yun nga lang, yung mga batang nag-aaral sa private school sa bayan, hatid-sundo ng tricycle. Kami naman eh saping Rambo sa paa ang kasama papasok sa eskwela.

Di rin kami binusog sa mga laruan ng tatay namin. Sa tuwing magpapa-package siya noon, karamihan ng laman ng kahong padala niya eh yung mga naipalit niya sa mga naipon niyang aluminum na lata ng soft drinks — mga relo, t-shirts, bags, at mangilan-ngilang pang-display sa bahay. Kasama na rin dun yung ilang nabili niya nang paunti-unti kada may natitira sa sinahod niya. Kung meron mang laruan na binili si Papa para sa amin, di rin naman namin halos napaglaruan. Itinabi lang kasi ni Mama para raw tumagal ang buhay. Ang totoo, yung tren kong de baterya hanggang ngayon mukhang bago pa, di nga lang ako sigurado kung gumagana pa.

Napalitan ang TV naming black and white ng “colored” nang nasa Grade 3 na ako. Natatandaan ko pa ang bilin ni Papa: Di pwedeng manood ng TV kapag school days pero pwede pag Sabado at Linggo. Baka raw kasi mahilig kami masyado sa TV at di na ganahang gumawa ng assignments at mag-aral. Kaya naman para mapagbigyan kami, kailangang tapos na lahat ng assignments bago humarap sa paborito naming palabas.

Mahilig ding kumanta ang tatay ko. Ayon nga kay Mama, frustrated singer raw kasi. Kung meron man akong masasabi na earliest memories ko, yun eh yung pinapatuntong niya ako sa mataas na upuan at pinapakanta, para raw abot ko yung birit part. Kaming tatlong magkakapatid, napilitan tuloy na matutong kumanta. Gusto niya kasi laging may kasamang kanta namin yung voice tape na ipapadala sa kanya.

Sa dalawampu’t isang taon na di halos namin nakasama si Papa, pakiramdam ko sanay na kami. Kapag may mahahalagang okasyon, madalas wala ang presensya niya, physically. Pero kailanman ay di siya nakalimot bumati tuwing isa sa amin ay nag-se-celebrate ng birthday, recognition man o graduation. Alam ko, milya-milya man ang layo niya sa amin, kami ang laging nasa isip ng aking ama.

Tatanungin mo ‘ko kung anong pakiramdam ng isang anak ng OFW? Malungkot? Hindi naman. Ang sagot ko: parang laging may kulang. Noong bata ako, di ko ‘to masyadong ramdam. Para sa akin, ganun talaga, wala akong magagawa. Pero nang tumuntong ako ng kolehiyo, doon ko naisip na ang bilis ng panahon, parang kailan lang nung batang paslit pa ‘ko at dahan-dahang nabubuo ang pagkatao. Naisip kong sana nakasama namin si Papa sa mga panahong ‘yun. Na napagsabihan niya sana kami sa tuwing nagiging salbahe kami at sumasagot nang pabalang. Na napilit niya sana kaming kumain ng gulay sa halip na puro pritong pagkain. Na na-encourage niya sana kami kapag di mataas ang nakuha naming score sa test. Na napatahan niya sana kami sa tuwing uuwi kaming umiiyak dahil nadapa kami. Na naandun sana siya sa bawa’t pagkakataong tumatanggap kami ng awards at siya mismong nagsasabit sa amin ng medals, katuwang ni Mama.

Minsan noong bata pa ako, nasabi ko kay Papa na sana ang pera parang bato na lang, andiyan lang sa kalsada at kapag kailangan mo ay pupulot ka na lang. Sagot niya sa akin mali raw ‘yun. Kasi kung ganun lang kadali makakuha ng pera, ang tao raw ay di na magsisikap sa buhay. Ang malinis na pera raw ay pinaghihirapan.

Sa kanya ko natutunan ang pagpapahalaga sa kung anong meron ka, di man ito bag na may malaking orasan sa likod o de hatak; dahil ang bawa’t bagay na naibigay niya sa amin ay mula sa pagsusumikap niya.

Dahil sa wala akong Barbie doll, natuto akong gumuhit ng sarili kong paper dolls na siya ring nakahikayat sa akin sa arts.

Di man ako private school-educated nakatanim naman sa utak ko na kung kaya ng iba ay kaya ko rin; wala ‘yan sa pinanggalingan mong paaralan.

Sinanay kami na sa bawa’t achievement, di kailangang laging may reward na laruan; ang mahalaga ay kung ano ang natutunan mo.

Nagpapasalamat ako nang lubos dahil nabigyan kami ng pagkakataong makapag-aral at makatapos, na siya namang naipagkait sa mga magulang ko.

Ang musikang ipinamulat sa akin batid kong dadalhin ko hanggang sa pagtanda, siyang magpapasaya sa akin sa tuwi-tuwina.

Ang lahat ng ‘to, dahil sa tatay ko, isang OFW — ang tinaguriang bagong bayani ng bayan — pero siyang tunay na bayani ng buhay ko.

Nai-post sa Uncategorized | Tagged | Mag-iwan ng puna